Mga lumang tren ng LRT-1, isasailalim na sa rehabilitasyon

Isasailalim sa rehabilitasyon ang mga lumang tren ng Light Rail Transit (LRT) line 1 bilang paghahanda sa Cavite extension ng nasabing linya.

Ayon kay Light Rail Manila Corporation (LRMC) President Juan Alfonso, kailangan kasi ng LRT-1 na madagdagan ang bilang ng mga tumatakbong tren lalo na at patuloy ang ginagawang proyekto ng 11.7 kilometrong Cavite extension na magdudugtong sa Baclaran at Bacoor.

Aniya, kinuha nila ang serbisyo ng Voith Digital Solutions para palitan ang mga makina ng mga 20 anyos na tren ng linya sa halagang P450 milyon.


Tiniyak naman si Andreas Winter, project manager mula sa Voith Digital Solutions na akma ang mga ilalagay na makina sa mga tren at matatapos ang rehabilitasyon sa Pebrero 2020.

Nabatid na nasa 30 ang kabuuang train sets ng LRT-1 kung saan labindalawa rito ay nabili pa noong 1984 at kailangan nang palitan habang ang 11 naman ay nabili noong 2007.

Habang 1998 o higit 20 taon na ang nakalilipas nang mabili ang natitirang 6 train sets.

Facebook Comments