Hindi na muling papayagan pa ng lokal na pamahalaan ng Maynila na pabalikin at patirahin ang mga pamilya sa Estero de Magdalena malapit sa kanto ng Recto Avenue at Reina Regente na sakop ng Binondo, Maynila.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, masyado nang delikado kung babalik ang mga nakatira sa gilid ng nasabing estero lalo na’t nakitaan na rin ng mga crack ang pader.
Aniya, pansamantala munang mananatili ang nasa 40 pamilya na inilikas sa Delpan Evacuation Center habang hinihintay pa kung saan sila ire-relocate.
Sinabi ni Mayor Honey na hindi na kasi sakop o wala na sa Manila Local Government Unit (LGU) ang pagpapasiya kung kailan o saan ililipat ang mga nakatira sa gilid ng estero dahil ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang bahala rito.
Nabatid na may nauna ng 100 pamilya na nakatira sa gilid ng estero ang na-relocate ng DENR sa Cavite kung saan susunod na sana ang mga nasa Estero de Magdalena pero naantala dahil sa COVID-19 pandemic.
Magkaganoon pa man, muling iginiit ng alkalde na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa DENR para mapabilis ang paglipat ng mga pamilya na nakatira sa gilid ng estero dahil batid ng lokal na pamahalaan ng Maynila na delikado ang lugar at hindi rin ligtas sa kalusugan ng mga indibidwal.
Kaugnay nito, hahanapan muna ng lokal na pamahalaan ng Maynila ng temporary location ang mga naapektuhan ng pagbasagk ng puno sa ilang mga bahay sa gilid ng Estero de Magdalena habang nagbigay na sila ng tulong sa pamilya ng mga nasawing biktima.