Pagtutuunan muna ng pansin ng Department of Education (DepEd) ang pagsasawa ng pilot run ng face-to-face classes sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Kasunod ito ng planong magsagawa ng dry run ng limited face-to-face classes sa 120 na paaralan sa bansa.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, dahil sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) at mga medical expert, ang mga nasabing lebel muna ang kanilang uunahin.
Tinatayang nasa 12 mag-aaral sa Kindergarten ang papayagang makalahok sa klase, habang hindi hihigit sa 16 ang mga nasa Grade 1 hanggang 3.
Magtatagal ang klase sa loob ng tatlong oras kung saan titiyaking masusunod ang mahigpit na panuntunan kontra COVID-19.
Sa Setyembre 13 magaganap ang pagbubukas ng school year 2021-2022, kung saan aabot na sa 17.9 milyon ang mga mag-aaral na nakapag-enroll.