Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian sa mga senador na gawing prayoridad sa libreng matrikula sa kolehiyo ang mga mag-aaral na mula sa low-income households o yung kabilang sa Listahanan 2.0.
Napuna ni Gatchalian sa ginanap na budget deliberation para sa pondo ng Commission on Higher Education (CHED) na paunti-unti ang bilang ng mga mag-aaral na nabebenepisyuhan ng Tertiary Education Subsidy (TES) ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act na taliwas sa dapat na layunin ng batas.
Giit ng senador, dapat na maitama at manatiling tapat sa intensyon ng batas na mabigyang prayoridad ang mga estudyanteng mula sa low-income families.
Sa tala nitong 2nd semester para sa academic year 2022-2023, 79% ng mga benepisyaryo ng TES ang mula sa mga lugar na walang State at Local Universities and Colleges (SUCs at LUCs), habang 21% lang ang mga mag-aaral mula sa listahanan, at 0% naman ang mula sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Tinanggap naman ng Senate Committee on Finance ang panukalang amyenda sa special provision ni Gatchalian para sa 2024 budget ng CHED.
Sa ilalim ng panukala ay bibigyang prayoridad sa Unified Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ang mga mag-aaral na mula sa Listahanan 2.0 at mga kabilang sa low-income households na mas nangangailangan ng tulong para sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon.