Sinalakay ngayon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs (BOC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang isang bodega sa Scout Tuazon kanto ng Scout Fernandez Quezon City, na puno ng mga barya at imported na luxury cars.
Ayon sa NBI Anti Organized and Transnational Crime Division, nag-ugat ang operasyon matapos sa kanilang itimbre ng impormante na milyong-milyong pisong halaga na barya at luxury sports cars ang nasa isang warehouse.
Positibo naman ang impormasyon matapos tumambad sa mga tauhan ng NBI, BOC at BSP ang mga sangkatutak na mga barya at nakaparadang sports cars.
Tinatayang nasa P50 milyon halaga ng mga barya habang nasa P100 milyong ang sports cars.
Napag-alaman na walang dokumento ang mga sasakyan habang inaalam na kung bakit milyong-milyong piso ng barya ang nakatambak sa naturang bodega.
Patuloy pa rin ang ginagawang imbentaryo ng mga tauhan ng NBI, Bureau of Customs at Bangko Sentral ng Pilipinas.