Pinapayuhan ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) ang publiko na samantalahin ang Semana Santa sa pagpapaturok ng booster shot.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NTF Medical Adviser Dr. Ted Herbosa na maaari namang magpaturok ng 3rd dose sa mga lalawigan lalo na sa mga uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Mahal na Araw.
Ayon kay Dr. Herbosa, pinapayagan na ang walk in sa mga vaccination sites dahil sapat naman ang suplay ng bakuna sa bansa.
Kinakailangan lamang ipakita ang vaccination card na lagpas na sa 3 buwan ang primary doses upang mabigyan ng booster dose.
Sa ngayon, aminado si Herbosa na malaking hamon sa pamahalaan ang paghihikayat sa publiko na magpaturok ng booster shot.
Marami kasi ang naniniwala na sapat na ang 2nd doses pero base aniya sa pag-saaral ng mga eksperto, bumababa ang immunity ng bakuna makalipas ang ilang buwan.
Base sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), mula sa higit 66 milyong fully vaccinated ay nasa mahigit 12 milyon pa lamang ang nabigyan ng booster shot.