Kasunod ito ng mga sumbong na natatanggap ng City Agriculture Office na mayroon umanong mga nagbebenta ng rice seeds na nakuha mula sa Kagawaran ng pagsasaka na mas mura ang halaga kaysa sa mga nabibili sa mga farm supply.
Ilan kasi umano sa mga nabigyan ng libreng binhi ay nakabili na ng kanilang rice seeds kaya ibinebenta na lamang sa iba yung binhing nakuha sa DA.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Agriculturist Engr. Ricardo Alonzo, mahigpit aniyang ipinagbabawal ng pamahalaan ang pagbebenta ng binhi na ibinibigay ng gobyerno kaya nakikiusap ito sa mga nakatanggap ng libreng hybrid rice seeds na gamitin ito at huwag ibenta.
Pinapayuhan din ang ibang mga magsasaka na huwag tangkilikin ang mga ibinebentang rice seeds na galing sa DA.
Sinabi pa ni Engr. Alonzo na mas mainam pa ring gumamit ng hybrid rice para sa mas maganda at mataas na ani.
Samantala, kasalukuyan naman ang pamamahagi ng City Agriculture Office ng rice hybrid seeds sa mga magsasaka sa Lungsod ng Cauayan para sa wet season ngayong taon.