Mga Magkukunwaring Frontliners, Huhulihin Na!

Cauayan City, Isabela- Hindi palalampasin ng local na pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan ang mga indibidwal at grupong magsasamantala at magkukunwaring ‘frontliners’ para lamang makaligtas sa pagpapatupad ng number coding at makalusot sa mga nakalatag na checkpoints sa lungsod.

Batay sa section 7 ng ordinance no. 2020-303, ang mga nagkukunwaring Frontliners tulad ng Health worker, empleyado ng mga essential private establishments at ang mga nagpapaskil ng pekeng Food Pass at kung anumang Exemption Pass ay huhulihin ng Cauayan City Task Force COVID-19 Apprehension Team.

Ang sinumang mapapatunayang lumabag ay mapapatawan ng karampatang parusa maging ang sinumang mahuling gumagawa at nagpi-print ng pekeng Exemption Passes.


Ang mga mahuhuling magsasamantala ay papatawan ng multang limang libong piso, at posibleng pagkabawi ng permit at pagkakasara ng establisyemento.

Tanging ang LGU at PNP lamang ang nagbibigay ng Official Exemption Passes.

Ang mga passes na ito ay may mga security features at codes.

Alinsunod sa section 5 ng ordinance mas hihigpitan pa ang pagpapatupad ng Number Coding Scheme sa Lungsod ng Cauayan.

Inatasan ang pinagsanib na puwersa ng PNP, POSD, Covid-19 Task Force Apprehending Team, Highway Patrol Group Class Lakbay Gabay, mga Opisyal ng Barangay at Barangay Tanod para magpatupad sa ordinansa at manghuli sa mga lalabag dito.

Facebook Comments