Pinaalalahanan ng Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI) ang mga nag-aalaga ng manok o may poultry na huwag magpakakampante kahit wala silang nababalitaang problema o sakit ng mga manok sa kanilang mga lugar.
Sinabi ni Dr. Reildrin Morales, officer in charge ng BAI na hindi ito dahilan para hindi mag-ingat.
Kailangan aniyang matiyak ng mga magmamanok na gumagana ang kanilang bio security measures sa kanilang mga lugar at mga manukan.
Ibig sabihin, kailangang higpitan ang pagbabantay para hindi sila mapasok ng sakit sa manok lalo na ng avian influenza.
Payo ni Morales, agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na veterinary office, regional field office o ng BAI mismo kung may maoobserbahang kakaiba sa mga alagang manok, halimbawa ay kung nagkakandamatay ang mga ito, para agad maaksyunan.
Aminado si Morales na mahirap para sa mga magmamanok na i-report ang ganitong mga pangyayari dahil tiyak na papatayin ang kanilang mga alagang manok pero ito aniya ang tanging paraan para hindi lalong kumalat ang sakit sa iba pang barangay o munisipyo.
Aniya, wala namang dapat ipag-alala dahil mayroon namang indemnification fund ang gobyerno para sa mga magmamanok na maapektuhan ng avian flu virus.