Ayusin ang gobyerno at ubusin ang magnanakaw!
Ito ang binigyang-diin ngayon ni Partido Reporma Standard Bearer Panfilo “Ping” Lacson sa interview ng RMN News Nationwide.
Ayon kay Lacson, ang pagnanakaw ang puno’t dulo ng lahat ng problema sa gobyerno kaya dapat itong maayos.
Binigyang diin ni Lacson na ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan na walang sawang inaabuso ang pondo ng gobyerno ang dapat pinaparusahan, hindi ang isang tulad ng 80-anyos na lolo sa Asingan, Pangasinan na naaresto at kinasuhan dahil sa pagnanakaw ng sampung kilo ng mangga na mula naman sa puno na kanyang itinanim.
Ang sitwasyon na ito ni Leonardo “Lolo Narding” Flores ay umani ng simpatya sa mga netizen kung saan hindi siya maiwasang ikumpara sa mga politiko na nagnanakaw ng milyong piso sa pondo ng gobyerno ngunit hindi naipapakulong.
Giit ni Lacson, ang mga tiwaling opisyal na ito ang kanyang tututukan upang maging maayos ang pamahalaan at maibalik ang tiwala at respeto ng taongbayan.
“Itong tiwaling opisyal ng gobyerno na walang sawang inaabuso yung budget sa pagpapatupad ng mga proyekto, mapa-livelihood man, pati yung ayuda na para sa mga biktima ng COVID at sa mga health worker, pati yun pinapakialaman. Sa aming pananaw itong binubuo naming programa kasi lahat ng problema natin talaga ay nagmumula sa gobyerno, kasi gobyerno lahat yung nakakaalam, sila nagpapatupad ng batas at lahat sila nagseserbisyo. Eh pagka-hindi natin inayos ang gobyerno, tuluyang mawawala ang respeto ng mga kababayan natin sa gobyerno at wala tayong patutunguhan bilang isang bansa”. Ayon kay Sen. Lacson