Mga Magpapanggap na Magsasaka para Makakuha ng Ayuda, Binalaan

Cauayan City, Isabela- Binabalaan ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang sinumang mananamantala sa mga ayudang ipinapamahagi para sa mga magsasaka.

Sa panayam ng 98.5 i-FM Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, kanyang sinabi na huwag na sanang umabot sa punto na mayroon pang masampolan na nangunguha ng mga binhi at abono na hindi naman nagsasaka.

Kasunod ito ng ilang mga sumbong mula sa concerned citizen na mayroon umanong mga nakakatanggap ng tulong mula sa DA na hindi naman maituturing na magsasaka.


Kasabay na rin ito sa pamamahagi ng nasabing ahensya ng mga binhi at abono sa bawat munisipalidad bilang tulong at suporta sa mga maliliit na magsasaka.

Kaugnay nito, kinakailangan lamang aniya na mag-update at magrehistro sa Farmers Registry System upang mamonitor ang pangalan at mapabilang sa listahan ng mga magsasaka para sa nasabing ayuda.

Hiniling din ni Ginoong Edillo sa bawat alkalde na dapat ay maibigay agad ang mga tulong para sa mga kwalipikadong magsasaka upang mapakinabangan din ng mga ito.

Dagdag dito, kamakailan lamang ay naipasakamay na sa halos 100 na mga magsasaka sa probinsya ang 145 units ng makinarya na mula sa Kagawaran ng Agrikultura.

Facebook Comments