Oobligahing mag-upload ng kanilang selfie na litrato ang magpaparehistro ng kanilang SIM card sa ilalim ng SIM Card Registration Law.
Ito ang ipinaalala ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Assistant Secretary Anna Mae Yu Lamentillo at ng mga telco sa isinagawa kaninang joint conference, isang araw bago ang pagsisimula ng SIM card registration.
Bahagi aniya ito ng verification ID na ipakikita ng subscribers dahil kapag wala ang selfie ay baka may manloko o manggaya sa ID na gagamitin.
Paalala ng Globe, Smart at DITO Telecommunity, huwag magsinungaling sa ibibigay na impormasyon dahil may katapat itong parusa sa ilalim ng batas.
Ayon pa sa DICT, ang unang linggo ay magiging test registration.
Ibig sabihin, ang gagawing registrations ay ituturing na valid pero posibleng may mga susulpot na problema o minor errors kung saan ito ay sisinupin habang nagpapatuloy ang SIM card registration.
Ayon kay DITO Chief Administrative Officer Adel Tamano, magkakaloob sila ng incentives sa kanilang mga subscriber tulad ng pagbibigay ng libreng 2GB data kapag nakapagparehistro.
Sa panig ng Globe, sinabi Globe Policy Head Ariel Tubayan na kaya nitong irehistro ang 87 million subscribers nito sa loob ng 15 na araw kung maagang magpaparehistro ang mga ito.
Sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang dapat ikatakot ang publiko dahil hindi gagamitin ang SIM Registration Law para sa state surveillance.
Ang mga makokolekta aniyang data ng mga telco ay isasailalim sa mahigpit na oversight at monitoring ng mga concerned government agency.