Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na walang pipigil sa mga raliyista sa kanilang mga isasagawang programa bukas kung saan isasagawa ang huling State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero hangad ni PNP Chief Eleazar na sana ay hindi lalabag ang mga ito sa mandato ng PNP na panatilihin ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng bawat isa.
Direktiba naman ni General Eleazar sa mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance sa pagharap sa mga raliyista.
Sa harap naman ng banta ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa, hinihimok pa rin ni Eleazar ang mga nagpa-plano na magsagawa ng kilos protesta na gawin na lamang ang programa online para maiwasan ang pagkahawahan ng sakit.
Para kay Eleazar, ang mahalaga naman ay naiparating ang kanilang mensaheng gustong iparating sa publiko.
Una nang tiniyak ng pamunuan ng PNP na isang daang porsyento na silang handa sa mga inilatag na seguridad para sa gagawing SONA mamayang hapon ng Pangulo.