Nilinaw at iginiit ni San Juan City Mayor Francis Zamora na mahalaga ang koordinasyon saan mang lokal na pamahalaan bago magsagawa ng relief operations para masunod ang pinaiiral na quarantine protocol.
Ito ang pahayag ng alkalde kasunod ng pag-imbita sa police station ng mga staff ng dalawang konsehal ng lungsod na namimigay ng relief goods kabilang na si Councilor Jana Ejercito, pamangkin ni Dating President at Dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Sabi ni Mayor Zamora, welcome na welcome ang lahat ng gustong tumulong at napakadali lamang ang pagkuha ng certification para dito.
Kagabi ay nagpasaring sa social media si Dating Senator JV Ejercito na mayroon daw utos na basta kalaban daw sa pulitika ay bawal magbigay ng tulong sa mga taga-San Juan.
Nilinaw din ni Zamora na hindi inimbitahan sa police station si Councilor Ejercito at isa pang konsehal kundi kusang pumunta ang mga ito para alamin ang sitwasyon ng kanilang mga staff.
Una na ring nagkairingan sina Zamora at Dating Senador Jinggoy Estrada matapos itong imbitahan sa himpilan ng San Juan Police Station habang namimigay ng bangus sa mga residente at hindi na umano nasusunod ang social distancing.