Mga magsasaka at mangingisda, dapat makinabang din sa School-Feeding program ng DepEd

Kasabay ng pagbubukas ng klase ngayon araw ay hinikayat ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Education (DepEd) na direktang bumili sa mga mangingisda at magsasaka para sa School-Based Feeding program.

5.9-billion pesos ang pondo ng DepEd sa nabanggit na programa na ayon kay Pangilinan ay malaking maitutulong para kumita rin ang mga magsasaka at mangingisda lalo na ngayong may pandemya.

Paliwanag pa ni Pangilinan, makabubuti sa kalusugan ng mga mag-aaral kung sariwang isda at mga produktong agrikultura ang maipapakain sa kanila.


Kaugnay nito ay hiniling ni Pangilinan kay Education Secretary Leonor Briones, na direktang makipag-ugnayan kay Agriculture Secretary William Dar para mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga estudyante.

Iminungkahi rin ni Pangilinan sa DepEd na magkaroon ng karagdagang operational guidelines para sa direktang pagbili ng masustansyang pagkain at gatas para sa mga benepisaryo ng kanilang School-Based Feeding program.

Facebook Comments