Nanawagan ang mga magsasaka at mangingisda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na atasan ang Department of Agrarian Reform o DAR na ipatupad ang pamamahagi ng 10,825 hectares na lupain ng Bugsuk-Pandanan Islands sa Palawan.
Sinabi ni Romel Calo, Chairman ng grupong Sambilog na noong taong 1974-1975 noong panahon ng Martial Law ay daan-daang pamilya ang pwersahang inialis sa Bugsuk at Pandanan Islands sa Balabac, Palawan upang bigyang daan ang korporasyon umano ng kompanya ni Danding Cojuangco.
Matatandaan na ang lokal na komunidad ay nagsumite ng mga dokumento sa National Commission on Indigenous Peoples o NCIP noong nakaraang March, 2005 upang i-award ang Certificate of Ancestral Domain Title pero walang titulong ipinamahagi para sa 55,000 hectares ancestral lands at waters na ibinigay sa kanila.
Dismayado ang mga katutubo sa pwersahang pagpapaalis sa kanila ni Cojuangco sa naturang isla kaya’t humihingi sila ng tulong kay Pangulong Marcos na mamagitan na sa naturang usapin upang mabigyan ng hustisya ang ipinaglalaban ng kanilang mga magulang.