Nakatakdang magsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman ang Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan laban kay Deparmtent of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga at sa kaniyang pamilya.
Ang mga complainant ay mga biktima umano ng massive land grabbing ng Yulo King ranch sa mga bayan ng Coron at Busuanga, Palawan.
Batay sa resulta ng fact-finding and solidarity mission report noong 2014, kabilang sa mga apektadong residente ay mula sa barangay ng Decalachao, Guadalupe, San Jose, Dan Nicolas sa Coron at Quezon, New Busuanga, Cheey at Sto. Niño sa Busuanga.
Ayon kay KASAMA-TK Spokesman Orly Marcellana, inihahanda na ng kanilang legal counsel ang kaso na isasampa kay Yulo.
Ani Marcellana, nagkaroon ng “conflict of interest” nang italaga si Yulo bilang kalihim ng DENR sa kabila ng pagsakop umano ng kaniyang pamilya sa abot sa 40,000 ektaryang lupain sa Palawan na para sa mga magsasaka.
Naghain na rin ng House resolution si ACT Party-list Rep. France Castro para magsagawa ng “investigation in aid of legislation” hinggil sa reklamo.
Hinimok din ng mga magsasaka si House Speaker Martin Romualdez na magpakita ng sinseridad sa pagpapatupad ng Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law.
Magugunita na iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Department of Agrarian Reform (DAR) na kumpletuhin na ang pamamahagi ng land titles sa mga kwalipikadong agrarian reform beneficiaries.