Mga magsasaka ng Capiz, tumanggap ng mahigit ₱1 Million farm machinery at Agri inputs mula sa DAR

Pinagkalooban ng ₱1.3-Million halaga ng mga kagamitang pangsaka at agricultural inputs ng Department of Agrarian Reform o DAR ang mga miyembrong-magsasaka ng tatlong Agrarian Reform Beneficiary Organizations o ARBOs sa Capiz upang maiangat at mapagbuti ang antas ng kanilang pamumuhay.

Pinangunahan ni Anthony P. Arostique, Provincial Agrarian Reform Program Officer II ang pagkakaloob ng mga common service facilities (CSFs) at farm Inputs sa Matagnop Royale Multi-Purpose Cooperative, Traciano Farmers Multi-Purpose Cooperative, at Lonoy Agrarian Reform Cooperative na ginanap sa Roxas, Capiz.

Sabi ni Arostique na ang mga iginawad na CSF ay makatutulong na palakasin ang produktibidad pang-ekonomiya ng mga kooperatiba, mapabuti ang kanilang mga operasyon sa agrikultura at mapahusay ang kanilang katatagan sa merkado.


Paliwanag pa ni Arostique na ang proyekto ay ipinatutupad sa ilalim ng Climate-Resilient Farm Productivity Support o CRFPS project ng DAR.

Nakatanggap ang Matagnop Royale Multi-Purpose Cooperative ng kabuuang halaga ng proyekto na ₱287,750.00, ang Traciano Farmers Multi-Purpose Cooperative na may ₱372,000.00, at ang Lonoy Agrarian Reform Cooperative na may kabuuang halaga ng proyektong ₱668,749.00.

Bukod sa farm Inputs, makinarya, at kagamitan, nakatanggap din ang mga ARBO ng pagsasanay sa teknolohiya at starter kits para masiguro ang tagumpay at katatagan ng kanilang napiling aktibidad pang-kabuhayan.

Facebook Comments