Mga magsasaka ng mais at mangingisda, may isang bilyong pisong pondo para sa fuel discounts sa susunod na taon

Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng isang bilyong pisong pondo para sa susunod na taon bilang pantulong sa mga nagtatanim ng mais at mangingisda.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, sa naturang pondo ay P510.45 milyon ay para sa Department of Agriculture (DA) upang maipagkaloob sa mga nagtatanim ng mais o corn farmers, habang ang P489.6 milyon ay bahagi ng budget ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para ibigay naman sa mga mangingisda.

Dagdag pa ni Pangandaman, dumoble ang ilalabas na budget na mula sa P500 milyon lamang na budget ngayong taon.


Layon aniya na maipagpatuloy ang pamamahagi ng fuel discount para sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda na nag-o-operate ng agricultural at fisheries machinery.

Gayunpaman, nilinaw ni Pangandaman na hindi pa naisasapinal ang patakaran para sa pagpapatupad nito dahil nakasalalay pa rin sa magiging kondisyon ng Dubai Crude Oil Price ang programa, kung saan dapat mas mataas sa 80$ per barrel ang presyo ng krudo sa tatlong magkakasunod na buwan.

Samantala, siniguro rin ni Pangandaman na may alokasyon din ang DBM na P10 bilyon para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa susunod na taon.

Facebook Comments