Mga magsasaka, pinadidirekta na ang suplay sa publiko at huwag na sa mga traders

Inirekomenda ni Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Senator Cynthia Villar na gawing direkta na ang mga magsasaka sa publiko o sa merkado sa halip na dumaan pa sa mga traders.

Ito ang isa sa nakikitang solusyon ni Villar para maibaba ang presyo ng sibuyas sa mga pamilihan.

Ayon kay Villar, makakatulong sa pagbaba ng presyo ng sibuyas kung ang mga produkto ng mga magsasaka ay direkta na sa mga consumers at hindi na dadaan pa sa mga traders nang sa gayon ay magkaroon sila ng kontrol sa value chain.


Kung ang mga magsasaka ay maliit lang, iminungkahi ni Villar ang pagbuo ng mga ito ng kooperatiba ng mga maliliit na magsasaka upang makapag-produce ang mga ito ng sapat na suplay na ibabagsak direkta sa mga merkado.

Nilinaw naman ni Villar na hindi siya tutol sa importasyon ng sibuyas pero sa kanyang nakikita ay temporary solution lamang ito.

Nauna nang isinisi ng senadora sa mga cartel ang napakamahal na presyo ng sibuyas sa bansa dahil ang mga cartel ang nanggigipit sa mga magsasaka sa pagbili ng murang halaga sa kanilang ani at kontrolado pa ng mga ito ang importasyon ng nasabing produkto dahilan kaya nagkakaroon ng artificial demand at pagtaas sa presyo.

Facebook Comments