Mga magsasaka sa Bukidnon, naging magsasakang-negosyante sa kanilang pagtatapos sa Farm Business School ng DAR

Inihayag ng Department of Agrarian Reform (DAR) na 31 mga magsasakang miyembro mula sa Lingion Agrarian Reform Beneficiaries Association (LARBA) sa Lingion, Talakag, Bukidnon ang naging magsasakang-negosyante nang magtapos sila sa Farm Business School (FBS) program ng DAR.

Ayon kay DAR-Bukidnon Provincial Agrarian Reform Officer II Mohammad Abdul Jabbar Pandapatan na layunin ng Farm Business School na turuan ang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na maging mga agricultural entrepreneur upang isulong ang pagsasaka bilang isang negosyo kung saan ang mga ARB ay maaaring kumita ng mas malaki.

Ipinahayag ni Pandapatan na sa loob ng 25 araw na aktibidad, nagawa ng DAR na turuan, bigyang kapasidad at bigyang kapangyarihan ang 31 ARB sa iba’t ibang kasanayan sa pagnenegosyo at pagsulong ng mga kasanayan sa pagsasaka para maayos nilang mapamahalaanan ang kanilang mga ani mula sa lupang ipinagkaloob sa kanila ng DAR hanggang sa paraan ng pagbebenta ng kanilang mga produkto.


Paliwanag ng opisyal na ang kanilang aktibong pakikilahok sa programang ito ay nagpapahiwatig ng kanilang kahandaan na maging Agripreneur.

Ang DAR, sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture ay nagpasimula ng Farm Business School na nagtuturo din sa mga magsasaka ng mahahalagang kaalaman tungkol sa book keeping, cash flow, market survey, pagbebenta at paggastos at wastong pagpapakete ng kanilang mga produkto.

Ayon kay LARBA Chairman Ronald Lake, sa pamamagitan ng Farm Business School natutunan nila kung paano pamahalaanan ang farm records, bumuo ng isang magandang plano at paano maging matagumpay na negosyante.

Facebook Comments