Mapapawi na ang paghihintay ng libu-libong magsasaka sa anim na bayan sa Maguindanao sapagkat mauumpisahan na ang pamamahagi ng mga tulong pansaka sa kanila ngayong Marso.
Ang aktibidad ay bahagi pa rin ng pagsasakatuparan ng proyektong Emergency Assistance in Restoring Food Security and Agricultural Production in Conflict-Affected Communities in ARMM na tugon ng UN-FAO sa request ni DAF-ARMM Regional Secretary Alexander G. Alonto, Jr. Ito ay naglalayong matulungang bumangon ang mga magsasakang lubhang naapektuhan ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at grupo ng mga rebelde noong taong 2016.
Ang pondo ng proyekto ay nanggaling sa gobyerno ng New Zealand at Belgium at sa Special Fund for Emergency and Rehabilitation o SFERA.
Uumpisahan ang aktuwal na pamamahagi ng agricultural inputs tulad ng binhi ng palay, mais, mga buto ng iba’t-ibang gulay, abonong urea, at pala sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa unang araw ng Marso, taong ito. Apatnaraang magsasaka ang mabebenepisyuhan ng mga agri inputs sa naturang bayan.
Susundan ito ng Datu Salibo na gagawin ang distribusyon sa ika-5 ng Marso kung saan ang 635 magsasakang-benepisyaryo ay makatatanggap ng binhi ng palay na may kasamang abono, mga buto ng gulay, at pala.
Tatanggap ng kahalintulad na farm inputs ang 716 magsasaka sa Datu Piang sa ika-6 ng Marso na susundan naman ng Shariff Aguak na isasagawa ang pamamahagi ng tulong pansaka sa susunod na araw, a-7 ng Marso at kung saan 480 benepisyaryo ang makatatanggap ng tulong.
Samantala, mula a-8 hanggang a-9 ng Marso, gagawin ang pamamahagi sa bayan ng Mamasapano at Rajah Buayan ayon sa pagkakasunod. Dalawang daan at walumpu’t tatlo ang makatatanggap ng agri inputs sa Mamasapano samantalang 282 magsasaka naman ang mabebenipisyuhan sa Rajah Buayan.
Sa kabuuan, 2796 ang bilang ng mga magsasakang matutulangang mapaunlad ang kabuhayan sa probinsiya ng Maguindanao sa ilalim ng proyekto na pinamamahalaan ng Food and Agriculture Organization of the United Nations o UN-FAO kaakibat ang Department of Agriculture-Maguindanao.
Ang aktuwal na pamamahagi ay isasagawa at pamamahalaan ng partner Non-Government Organization o NGO na Magungaya Mindanao, Incorporated o MMI kaakibat ang mga municipal agricultural officer na sina Nanding D. Sayutin ng Datu Saudi Ampatuan, Moen Z. Usman ng Datu Salibo, Sonora A. Dagadas ng Datu Piang, Bainadia A. Baguindali ng Shariff Aguak, Dr Modrika A. Masukat ng Mamasapano, at Mohidin M. Paidumama ng Rajah Buayan.(DAF ARMM)