Manila, Philippines – Hinikayat ng Malacañang ang mga kinatawan ng magsasaka at stakeholders na maging aktibo sa pakikibahagi sa pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRRs) para sa Rice Tariffication Act.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mahalaga ito para masiguro mismo ng mga magsasaka na walang magiging iregularidad.
Aniya, kailangang ring matiyak na mayroong safeguard ang IRR laban sa korapsyon.
Giit ni Panelo, malinaw ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na pairalin ang zero tolerance laban sa korapsyon, transparency at pagpapanagot sa mga gagawa ng katiwalian.
Sa ilalim ng bagong batas, ang kalihim ng Department of Agriculture (DA) ang mangangasiwa sa rice competitiveness enhancement fund o rice fund na umaabot sa P10 bilyon.
Ang kalihim ng DA sa tulong ng mga kooperatiba at organisasyon sa bigas, Local Government Unit (LGU) ang magba-validate at mag-update ng master list ng mga kuwalipikadong benepisyaryo kabilang na dito ang mga magsasaka ng palay, rice cooperatives at asosasyon ng mga magbibigas.
Ang Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization (COCAFM) naman ang gagawa ng periodic review sa rice fund.