Mga magsusunog ng effigy, aarestuhin ng PNP

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) na maaaring lumabag sa itinatakda ng Clean Air Act ang mga miyembro ng militanteng grupo saka sakaling magsunog sila ng effigy sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos ngayong araw.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, maaari nilang arestuhin at ikulong ang mga susuway sa nasabing batas dahil malinaw na nakapag-aambag ng polusyon sa hangin ang susunuging materyal na may sangkap na plastic, pintura at iba pang mapaminsalang kemikal.

Nauna nang sinabi ni Fajardo na maaaring magsagawa ng kilos-protesta ang mga militanteng grupo sa SONA ng pangulo pero limitado ito sa mga freedom park at Commonwealth Avenue mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 lamang kaninang tanghali.


Aniya, nirerespeto aniya ng Pambansang Kapulisan ang karapatan ng mga raliyista na maghayag ng kanilang sentimyento pero hindi sa puntong lalabag sila sa batas.

Una nang sinabi ng PNP na base sa kanilang initial assessment payapa ang isinasagawang mga pagkilos ng iba’t ibang mga militanteng grupo.

Facebook Comments