Sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng pulisya hinggil sa paglabas ng bahay, hindi pa rin nagpa-awat ang ilang mga deboto na magtungo sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church sa Parañaque City.
Dahil dito, todo paghihipigt ang ginagawa ngayon ng Parañaque-Philippine National Police (PNP) partikular ang Police Community Precinct (PCP) na nakakasakop sa nasabing simbahan.
Bagama’t sarado ang gate ng simbahan, may ilang deboto ang humihinto sa harap nito para magdasal ng panandalian lalo na’t huling araw ng Miyerkules ngayong buwan.
Bunsod nito, nagdesisyon ang Baclaran PCP sa pangunguna ni Pol. Maj. Mark Paganas na bigyan ng mga violation ticket ang mga deboto na hindi maitutiring na Authorized Person Outside Residence (APOR).
Paraan ito ng Parañaque PNP upang maiwasan ang kumpulan bilang pagtalima na rin sa mga patakaran na inilatag ng Inter-Agency Task Force (IATF) ngayong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Muli naman nananawagan ang pulisya na makinig na lamang o manood ng misa via online upang hindi magmulta ng ₱1,000 lalo na kung hindi sila kabilang sa mga pinapayagan lumabas ng bahay.