Kasunod ito ng pansamantalang pagsuspinde sa naumpisahang face-to-face classes sa sampung (10) paaralan na kwalipikado sa pagsasagawa ng F2F classes sa Lambak ng Cagayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Paragas, minabuti nitong huwag munang ituloy ang personal na pagpasok sa paaralan ng mga kalahok sa F2F Classes para na rin maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante’t guro.
Kasabay na rin ito ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon kung saan ilalagay na rin sa Alert Level 3 ang lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino simula bukas, Enero 14, 2022 hanggang Enero 31, 2022.
Sa kabila naman ng suspensyon ng F2F Classes sa nasasakupan ng DepEd Region 2, pinayuhan ni Dr. Paragas ang mga magulang na ituloy lamang ang paggabay at pagtuturo sa mga anak sa kanilang modules.
Hiniling din nito sa mga magulang at estudyante na magtiis at mag-ingat sa virus at sumunod sa health protocols upang makatulong sa pag-iwas ng pagkalat ng COVID-19.
Sakali naman aniya na humupa ang kaso ng Coronavirus ay ibabalik na muli ang F2F classes at inaasahan pang madadagdagan ang mga paaralan na pwedeng magsagawa ng pisikal na klase.
Dagdag pa ni Dr. Paragas, batid ng kanilang pamunuan na marami sa mga magulang at mag-aaral ang natuwa sa muling pagbabalik ng Face to face classes noong Disyembre 2021 subalit humihingi muna ito ng pag-intindi ngayon dahil sa muli nanamang pagdami ng COVID cases.