Mga Magulang at Opisyal ng Barangay, Katuwang ng PNP sa Oplan Tambay!

Benito Soliven, Isabela – Maraming paglabag sa lansangan ang maaring kaharapin ng mga mahuhuling tambay ngunit mahirap ipatupad ang oplan tambay kung ang mga sangkot dito ay mga menor de edad. Ito ang naging pahayag ni Police Senior Inspector Joel Bumanglag, hepe ng Benito Soliven Police Station kaugnay sa kampanyang Oplan Tambay.

Aniya ang curfew hour ay napakaganda ngunit marami ang hindi parin sang-ayon dito at ang implementasyon ay hindi umano masasabing makatao lalo na kung ang mga sangkot o mahuhuli ay nasa murang edad.

Inihalimbawa ng hepe ang pinakahuling operasyon ng Benito Soliven na mga menor de edad ang nasa lansangan na may mga bayolasyon ngunit hindi naman umano maaring ikulong ang mga ito.


Paliwanag pa ni Police Inspector Bumanglag na sa ganitong usapin ay kinakailangan umano ang mga opisyal ng barangay maging ang mga magulang dahil sa mahirap naman umano na basta na lamang pauwiin ang mga tambay na menor de edad kung saan ay maari parin silang maging biktima ng anumang krimen sa daan.

Aniya ang responsableng magulang ay hindi hinahayaan ang mga anak na menor de edad na nasa lansangan sa mga dis oras ng gabi.

Samantala kinakailangan lamang umano ng mahusay na pagpapaliwanag sa mga nahuhuli sa lansangan at dinadala sa himpilan para imbestigahan upang matanggap ang kampanyang oplan tambay.

Facebook Comments