Hinihimok ng Manila Health Department ang mga magulang na isalang ang kanilang mga anak sa gagawing “Chikiting Bakunation Days.”
Partikular ang mga magulang na may mga anak na hanggang dalawang taong gulang kung saan pagkakataon na nila ito upang makumpleto ang nararapat na bakuna sa kanilang anak.
Isasagawa ang pagbabakuna sa darating na Mayo 30 hanggang ika-10 ng Hunyo.
Ikakasa ito sa anim na distrito sa lungsod ng Maynila kung saan magtatayo ng mga vaccination sites sa mga health centers at anim na district hospitals.
Bukod dito, isasagawa rin ng mga tauhan ng Manila Health Department ang door-to-door immunization upang mabakunahan ang lahat ng mga bata.
Ang nasabing hakbang ay upang maging ligtas ang mga sanggol o bata sa mga vaccine preventable diseases (VPDs) tulad ng polio, measles at rubella.
Umaasa ang Manila Health Department na makikiisa ang mga magulang ng mga bata upang masigurong ligtas sila sa mga nasabing sakit.