Lumabas sa resulta sa ginawang survey ng Department of Education (DepEd) na mas maraming mga magulang ang gusto ng modular distance learning na pamamaraan ng pagtuturo ngayong School Year 2020-2021.
Batay sa Learning Enrollment survey ng DepEd, mahigit 8.8 milyong mga magulang ang pinili ang modular distance learning, kung saan maaaring gumamit ng mga printed module o mga module na nasa digital format gaya ng CD, DVD, laptop, computer, tablet o smartphone ang mga guro at mag-aaral.
Habang 3.9 milyong magulang naman ang gusto ay blended learning na pagtuturo kung saan ito ay kombinasyon ng online distance learning, modular distance learning at TV/radio-based instruction.
Pumangatlo lang ang ‘online learning’, kung saan 3.8 milyon na magulang ang may gusto nito.
Sinundan naman ito ng ‘educational TV’ na may 1.4 milyong magulang ang pumili nito habang 900,000 lang na magulang ang gusto ay radio-based education.
Ang nasabing survey ay ginawa habang nagpapatuloy ang enrollment ng DepEd ngayong taon at isa sa mga sasagutan ng mga magulang ay ang Learning Enrollment Survey Form upang malaman kung anong pamamaraan ng pagtuturo ang akma sa kanilang mga anak.