Hinikayat ng Philippine National Police ang mga magulang o guardian ng mga menor de edad na nagiging biktima ng cyberbullying na lumantad at magreklamo sa PNP laban sa mga suspek.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Bernard Banac simula January 2017 hanggang March 2019, nakapagtala ang PNP ng 22 kaso ng cyberbullying na kung saan ang mga biktima ay mga minors.
Nangyayari aniya ang mga pambubully sa pamamagitan ng social media.
Sinabi ni Banac mahalagang nairereport sa police station ang mga nangyayaring cyberbullying upang maimbestigahan at mapanagot ang mga suspek.
Ginawa ni Banac ang panawagang ito sa harap ng nakatakdang muling pagbabalik eskwela sa lunes sa mga pampublikong paaralan.
Sinabi ni Banac karamihan sa mga nangyaring cyberbullying na biktima ay minors nabibigyan ng aksyon ng mga eskwelahan pero panawagan ni Banac sa mga magulang ireport rin ang mga ganitong insidente sa PNP.
Nitong Lunes una nang sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na bubuo sila ng task force para tutukan ang nangyayaring bullying sa mga eskwelahan, kabilang pa ang kidnapping at presenya ng mga criminal gangs sa paligid ng mga eskwelahan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga magaaral na magbabalik eskwela.