Manila, Philippines – Isinailalim na sa full coverage ng Witness Protection Program ng Department of Justice ang mga magulang ni Carl Angelo Arnaiz.
Ayon kasi sa mag-asawang Carlito at Eva Arnaiz, pagkatapos na mailibing si Carl Angelo ay may ilang naka-motorsiklo ang umaaligid sa kanilang bahay.
Nangako naman si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa mga magulang ni Carl Angelo ng mabilisang imbestigasyon sa kaso lalo na at iniutos ito mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, pinahahanap na rin ni Aguirre ang taxi driver na si Tomas Bagcal, na hinoldap daw ni Carl Angelo.
Kasunod ito ng nabunyag na magkasalungat na pahayag sa dalawang sinumpaang salaysay ni Bagcal tungkol sa pangho-holdap umano sa kanya ni Carl Angelo.
May alok din si Aguirre kay Bagcal sakaling lumutang ito at makipagtulungan sa imbestigasyon.
Samantala, ang Public Attorney’s Office naman ang tatayong abogado ng pamilya ni Reynaldo de Guzman, ang 14 anyos na huling kasama ni Arnaiz.
Sabi ni PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, may hawak na silang testigo sa sabay na pagkawala nina Arnaiz at de Guzman noong August 18.
Isasampa rin aniya nila kaagad ang mga kasong double murder at paglabag sa anti-torture law laban kina Police Officer 1 Jeffrey Perez at Police Officer 1 Ricky Arquilita.