Mga magulang, pinaalalahanan sa magiging pananagutan kapag lumabag sa curfew ang mga menor de edad na anak

Muling nagpaalala si Navotas Mayor Toby Tiangco sa mga residente lalo na sa mga magulang at guardian na sila ang mananagot sa oras na lumabag ang kanilang mga anak na menor de edad sa pagpapatupad ng 24-hour curfew ng lungsod.

Ipinag-utos ng alkalde ang implementasyon ng 24-hour curfew sa mga minors sa Navotas dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa syudad.

Batay kasi sa July 17 CovidKaya report, nakapagtala ang Navotas ng 105.06% na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, pinakamataas na porsyentong naitala sa Metro Manila.


Ayon kay Tiangco, ang mga magulang o guardian ang mananagot kapag nahuli ang mga menor de edad na anak na lumabag sa curfew.

Pero hindi multa ang bayad ng mga ito kundi sasailalim sila sa libreng RT-PCR swab test ng lokal na pamahalaan.

Ito aniya ay para matiyak na walang myembro ng pamilya ang nahawaan ng COVID-19 dahil sa paglabas ng mga anak.

Naghihigpit muli ang lungsod bilang pag-iingat pa rin sa pinangangambahang Delta variant.

Facebook Comments