Mga mahihirap, mas dapat iprayoridad kumpara sa Cha-Cha

Iginiit ni Senator Leila de Lima sa administrasyon na mas pagtuunan ng pansin ang naghihirap na taumbayan kumpara sa pag-amyenda sa Saligang Batas kahit wala naman sa Konstitusyon ang talagang problema.

Apela ni De Lima, huwag nang sayangin ang oras at pera ng bayan sa pansariling interes sa harap ng matinding pagtaas ng bilihin, makupad na implementasyon ng price ceiling at ang kakulangan ng ayuda para sa mahihirap sa gitna ng pandemya.

Panawagan ni De Lima, sa halip na mag-Cha-Cha (Charter Change) ay pirmahan na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng “Magna Carta for the Poor” na higit isang taon nang naipasa.


Ayon kay De Lima, tiyak na makakatulong ang batas na ito sapagkat idinidiin nito ang karapatan sa pagkain, tahanan, trabaho, edukasyon, bahay at kalusugan ng mahihirap na Pilipino.

Ipinunto ni De Lima na ito ay batas na at kailangan nang ipatupad dahil sa bawat araw na isinasantabi, ang importanteng batas na ito ay maraming buhay ang apektado.

Facebook Comments