Suportado ni Northern Samar Rep. Paul Daza ang hakbang ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo na linisin ang listahan ng 4Ps beneficiaries.
Bagama’t napapanahon na bawasan at linisin na ang listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ibinabala ni Daza sa kalihim na posibleng tumaas din ang bilang ng mga idadagdag na benepisyaryo ng 4Ps matapos na maitala ang pagtaas ng poverty incidence sa bansa.
Sa pinakahuling datos aniya ay pumalo sa 23.7% ang poverty incidence ng bansa sa unang bahagi ng 2021 kumpara sa 21.2% noong kaparehong panahon noong 2018.
Katumbas aniya ito ng dagdag na 3.9% na Pilipinong nabubuhay sa kahirapan.
Bunsod nito, kahit linisin ang 4Ps beneficiaries mula sa mga “graduate” nang pamilya ay posibleng 1.17 million o higit pa ang kailangan irehistro sa 4Ps program.
Dahil dito, umapela si Daza kay Tulfo na maging mabusisi sa pagre-review ng mga aalising benepisyaryo sa listahan salig sa Republic Act 11310.
Hiniling din ng kongresista na i-review ng Joint Congressional Oversight Committee ang 4Ps program upang malaman kung epektibo pa ba ang programa o kung dapat na magrekomenda ng remedial legislation para mapaghusay pa ito.