Inoobliga ni Assistant Majority Leader at Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo ang lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon na isailalim sa COVID-19 test ang mga mahihirap na nasawi sa pneumonia.
Ito ay kasunod ng nakarating na impormasyon ng pagdami ng namamatay na mahihirap sa pneumonia partikular sa Quezon City na hindi man lamang nasusuri sa test kung COVID-19 ang ikinasawi.
Giit ni Hipolito-Castelo, dapat maobliga ang Local Government Unit (LGU) na maisailalim sa COVID-19 test ang nasawi lalo na kung pneumonia-related ang dahilan upang mapag-ingat lalo na ang mga kaanak at mga taong nagkaroon ng contact sa namatay na residente.
Dapat aniyang manghimasok na ang lokal na pamahalaan upang hindi matulad ang lungsod sa sitwasyon sa Italy.
Samantala, kinalampag naman ni House Committee on Health Vice Chairman at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang Department of Health (DOH) at ang mga LGUs na ibigay ang tunay na bilang ng mga nasawi ngayon sa pneumonia.
Hindi umano biro ito lalo’t ang mga positive COVID-19 patients ay may pneumonia.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi lamang ito sunugan ng patay kundi dapat ay inaalam din ng DOH at ng mga LGUs ang lawak ng mga nagkasakit ng pneumonia sa mga mahihirap na pamayanan.
Mababatid na unang inamin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na maraming mahihirap ang hindi na nakakapagpasuri sa ospital at nabahala pa ang marami matapos na kumpirmahin ng alkalde na pinauwi ang ilang mga pasyenteng positibo sa COVID-19 dahil sa kawalan ng espasyo sa kanilang mga health facilities.