Mga mahuhuling raliyista sa Quezon City ngayong SONA, agad na pagmumultahin ayon sa PNP

Pagmumultahin agad ang mga mahuhuling raliyista sa Quezon City kasabay ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa, pinahanda na niya sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang malawak na lugar kung saan dadalhin ang mga sasali sa rally.

Inutos niya na rin na makipag-ugnayan sa City Treasurer’s Office para magpadala ng tao na may dalang resibo sa lugar kung saan iipunin ang mga maaaresto nilang raliyista.


Paliwanag ni Gamboa, ang agad na pagmumulta sa violators ay alinsunod sa lokal na Ordinansa ng Quezon City na bawal ang mga malakihang pagtitipon sa panahon na ito bilang bahagi ng health protocol dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Hindi muna kakasuhan ang mga ito maliban lamang kung mahuli ang mga ito ng mahigit na tatlong beses, bago sila kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 11332 o Ang Bayanihan to Heal as One Act.

Sa ngayon sa UP Diliman ang tanging lugar na pinapayagan na mag-rally.

May sariling charter ang UP kaya’t hindi basta papasok ang mga pulis sa lugar maliban lamang kung ang management ng UP ang humingi ng responde sa kanila.

Facebook Comments