Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada na i-decriminalize ang kasong libelo at sa halip ay parusang multa na lamang ang ipataw sa mga makakasuhan nito.
Tinukoy ng senador na sa kasalukuyan ay itinuturing na krimen ang libel at ito ay hindi nakakatulong at nagdudulot pa ng isang seryosong banta sa hanay ng mga mamamahayag.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill 2521 kung saan sa halip na pagkakakulong ay pagbabayarin na lamang ang mga mamamahayag, kompanya ng media o sinumang nagkasala ng libelo.
Sa panukala ay maaaring maharap sa multa na ₱5,000 hanggang ₱30,000 ang sinumang magsusulat, maglilimbag, maglalathala o magsasahimpapawid ng pribadong buhay at sa pamilya, totoo man o hindi, na maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao.
Saklaw ng multang ito ang mga reporters, editors, at managers ng mga dyaryo o daily magazine, broadcast stations gayundin ang mga may akda ng published article sa mga theatrical o cinematographic exhibit.
Isinusulong din ni Estrada na ang pagsasampa ng mga kasong libelo laban sa community journalist, publication o broadcast station ay ihahain sa Regional Trial Court (RTC) ng probinsya o siyudad kung saan ang pangunahing tanggapan o lugar ng nagkasala ay matatagpuan.