Friday, March 13, 2026

Mga maliliit na sektor, target na makinabang sa panukalang pansamantalang suspensyon ng VAT sa langis

Nilinaw ni Imee Marcos na targeted ang mga makikinabang sa isinusulong niyang pansamantalang suspensyon ng value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo.

Sa Senate Bill No. 187 na inihain ng senadora, bibigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na pansamantalang suspendihin ang ipinapataw na VAT sa langis.

Gayunman, sinabi ni Marcos na hindi lahat ng sektor ay bibigyan ng diskwento at tututok lamang ito sa mga maliliit na sektor na higit na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Kabilang dito ang mga tsuper, operator, magsasaka, mangingisda, at iba pang maliliit na sektor na kumukunsumo ng petrolyo.

Iginiit ng mambabatas na mas mapapadali para sa pamahalaan ang pagtukoy kung sino ang dapat makinabang sa VAT suspension sa langis dahil may karanasan na rin ang gobyerno sa pagbibigay ng VAT discount sa mga Senior Citizens.

Nanawagan din ang senadora sa kapwa niya mga mambabatas na balikan ang kanyang panukala dahil mas nararapat na makinabang sa tulong na ito ang mga maliliit na sektor kaysa sa malalaking kumpanya.

Facebook Comments