Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ipapasara ang mga mall na maraming quarantine violations.
Ayon ay Interior Secretary Eduardo Año, ang Philippine National Police (PNP), Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang grupo ay patuloy na nakikipagdayalogo sa mall operators hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards sa loob ng kanilang establisyimento.
Iginiit ni Año na walang problema kung face mask lamang ang isusuot sa labas pero kailangang may kasamang face shield na kapag papasok sa mga establisyimento.
Hinikayat ni Año ang publiko at bloggers sa social media at mga miyembro ng media na isumbong sa mga awtoridad ang mga mall na laganap ang violations sa minimum health standards.
Aminado ang kalihim na malaking hamon sa mga awtoridad na ipatupad ang minimum health protocols sa Divisoria kung saan dinudumog ng maraming mamimili tuwing holiday season.