Mga mall owner at security agency, dapat na maging responsable sa pagmamando ng mga kustomer – PNP

Panawagan ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga mall owner at security agency na mahigpit na ipatupad ang health protocol sa mga mall.

Ito ay matapos ang insidente sa SM Mall sa Zamboanga City, kung saan hindi nasunod ng mall goers ang physical distancing papasok ng gusali.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Ildebrandi Usana, dapat maging responsable ang mga mall owner at security agency sa kaayusan at kaligtasan ng kanilang establishment.


Paliwanag ni Usana, may pandemya pa rin at ang iniiwasan dito ay pagkakahawa-hawa ng COVID-19.

Sinabi pa nito na posibleng mapatawan ng kaukulang parusa, depende sa desisyon ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Una nang sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na sa ngayon, iniimbestigahan na ang tunay na nangyari sa mall.

Facebook Comments