Isinulong ni House Deputy Speaker at Las Pinas Representative Camille Villar na mabigyan ng karagdagang social safety nets ang lahat ng journalists o mamamahayag.
Nakasaad ito sa House Bill 6543 na inihain ni Villar, kung saan nakapaloob ang pagbibigay ng disability, health at hospitalizations benefits sa bawat media practitioner.
Ipinunto ni Villar na palaging nakataya ang buhay ng mga mamamahayag sa pagtupad ng kanilang tungkulin lalo na sa mga delikadong coverage tulad ng pagtama ng iba’t ibang kalamidad o sakuna, mga riot, giyera at karahasan.
Sa ilalim ng panukala ni Villar ay pagkakalooban ang lahat ng practicing journalists ng insurance, tax-exemption, hazard pay, at iba pang insentibo, anuman ang kanilang employment status sa pinapasukang media company.
Kabilang din dito ang disability benefits na aabot sa P300,000 at P300,000 din para sa death benefit, habang 200,000 pesos naman ang medical reimbursement cost sakaling ma-ospital dahil sa kanilang trabaho.