Mga mambabatas sa Mindanao, dinepensahan ang martial law

Manila, Philippines – Dinepensahan ng mga kongresista mula sa Mindanao ang martial law.

Animnapung mga mambabatas mula sa Mindanao ang pormal na naglabas ng manipesto ng pagsuporta sa desisyon ni Pangulong Duterte na ipasailalim sa martial law ang kanilang rehiyon.

Sa pangunguna ni Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, iginiit ng mga ito, walang dapat ipangamba dahil namamayani pa rin sa kanilang rehiyon ang civilian authority.


Wala din aniyang nangyayaring military takeover sa kanilang mga lalawigan.

Binigyang diin ng mga mambabatas na kailangan ang pagpapairal ng martial law sa rehiyon para sawatain ang mga rebelde at extremist group na naghahasik ng karahasan sa kanilang lugar.

Tiniyak nilang sila mismo ay magbabantay para tiyakin na hindi magkakaroon ng pangaabuso sa karapatang pantao ang mga sundalo sa gitna ng operasyon laban sa mga terorista.

Umaapila ang Mindanao bloc ng mga kongresista sa publiko na manatiling kalmado at huwag nang dumagdag pa sa kalituhan at kaguluhan.

DZXL558, Conde Batac

Facebook Comments