
CAUAYAN CITY – Unti-unti nang dumadagsa ang mga mamimili ng paputok sa Cauayan City Fireworks Center bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ayon kay Bong Ebora, Vice President ng Cauayan City Fireworks Center, ang Cauayan City ay kinikilala bilang isa sa may pinakamalaking fireworks center sa buong Rehiyon Dos at isa rin ito sa tatlong lugar sa Isabela na pinayagan ng lokal na pamahalaan na magbenta ng paputok.
Bagama’t ilang araw pa bago ang Bagong Taon, marami na ang bumibili ng paputok, kabilang na ang mga konsyumer mula sa mga karatig-bayan.
Ayon kay Ebora, mataas ang kumpiyansang mauubos ang kanilang mga paninda dahil sa kaugalian ng mga Pilipino na gumamit ng paputok upang salubungin ang Bagong Taon.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Ebora sa kapulisan at LGU Cauayan sa kanilang pagtutok sa mga iligal na nagbebenta ng paputok sa lungsod. Aniya, malaking tulong ang ginagawang pagsisikap ng mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko.









