Hindi pwedeng magsara ang ekonomiya ng bansa ngayong fourth quarter ng 2021.
Ito ang iginiit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion sa harap ng banta ng panibagong COVID-19 variant na na-detect sa South Africa.
Paliwanag ni Concepcion, ito ang panahon na kagandahan ang benta ng mga negosyante dahil na rin sa Christmas season.
“Habang may threat tayo ng Omicron, hindi tayo pwedeng magsarado,” giit ni Concepcion.
Yung economy natin, medyo critical ngayon at itong 4th quarter na medyo maganda, yung mga kaso ngayon mga 800 cases, nationally, malaking bagay na rin yan e, ang laking bagsak niya. So, dapat tuloy ang pagbukas natin.”
“At even Alert Level 2… nakikita natin yung mga negosyante gumaganda ang benta nila, yung mga lugi nila makukuha nila dahil sa Christmas season na ‘to no, medyo malakas,” dagdag niya.
Kaugnay nito, hinimok ni Concepcion ang pamahalaan na pabilisin ang pagbabakuna habang dine-delay ang posibleng pagpasok ng B.1.1.529 o Omicron COVID-19 variant sa bansa.
“Kailangan bakunahan natin talaga, close to 100% dapat ang target natin dito sa ating citizens para talagang yung bakuna bubble mas matibay ‘no,” saad ng opisyal.
“Sa Delta, may mga breakthrough ngayon sa mga vaccine natin pero under this omnicron, I believe it will be much higher and more transmissible pero I believe the vaccine will still prevent the severe illness ‘no, so… the vaccine campaign has to really roll out faster.”
Samantala, umapela rin si Concepcion sa mga manggagawa na magpabakuna na.
Aniya, maraming bakuna na ang dumating sa bansa kaya wala na ring rason ang mga manggagawa para hindi magpabakuna.