Obligado na ngayon na sumalang sa Real-Time Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test ang mga manggagawang nasa tourist zones, pabrika, transportasyon, food retail, public market, construction, water supply, sewerage, waste management, public sector at mass media.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ito ang kautusan na nakapaloob sa Joint Memorandum Circular No. 20-04 series of 2020, o Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Labor and Employment (DOLE) Supplemental Guidelines on Workplace Prevention and Control of COVID-19 para maiwasan ang pagkalat ng virus at ito aniya ay dapat libre sa mga manggagawa.
Naniniwala si Bello na kapag mahigpit na ipinatupad ang nasabing bagong health protocol, tiyak na bababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa kahit na bukas ang ekonomiya ng bansa.
Partikular sa kasama sa guidelines ang lahat ng mga manggagawa mula sa hospitality at tourism sectors sa El Nido, Boracay, Coron, Panglao, Siargao at iba pang mga lugar ng turismo na idineklara ng Department of Tourism (DOT) na kailangang mag-test ng isang beses kada buwan.
Pero ang mga nasa manufacturing at public service providers sa mga economic zones na nasa Special Concern Areas ay kailangang magpasuri ng isang beses sa loob ng tatlong buwan o kada quarter ng taon.