Umapela si Assistant Minority Leader Arlene Brosas na papanagutin ang mga kumpanya na may empleyadong nasawi dahil sa trabaho.
Kaugnay na rin ito ng trahedya ng pagkamatay ng isang manggagawa sa Mandaue City sa Cebu na nahigop ng nililinis nitong pulverizing machine na naging dahilan ng pagpanaw ng biktima.
Bunsod nito ay isusulong ni Brosas na matiyak ang criminal liability ng mga kumpanyang may tauhang namamatay dahil sa trabaho sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Occupational Safety and Health (OSH) Law.
Ipinunto ng mambabatas na dahil sa insidente ay napapanahon na para ipatupad ang mas pinaigting na inspeksyon sa mga lugar na pinagtatrabahuan sa pamamagitan ng pag-amyenda sa OSH Law upang masigurong mapapatawan din ng karampatang parusa ang mga kumpanya.
Binigyang diin pa ng Gabriela lady solon na hindi dapat multa lang ang katumbas ng pagkamatay ng isang manggagawa sa mga pagawaan.
Pinatitiyak din ng mambabatas na gawing mandatory ang pagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga pamilya ng mga biktimang manggagawa.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, pinapatawan lamang ng administrative fine ang isang kumpanya na hindi hihigit sa P100,000 kada araw hanggang sa maitama ang mga paglabag sa isang factory o pagawaan.