Hiniling ng Association Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa pamahalaan na bigyan ng ‘special privilege’ ang mga manggagawa na mai-prayoridad sa pagbabakuna.
Kasunod ito ng puna ng grupo kung saan required ang mga manggagawa na pumasok nang bakunado sa ilalim sa Alert Level 4.
Ayon kay ALU-TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, nasa 400,000 hanggang 600,000 na mga manggagawa pa ang hindi nababakunahan sa Metro Manila dahil na rin sa limitadong suplay ng COVID-19 vaccines.
“Marami pa kasi sa mga manggagawang ito ang hindi pa completely bakunado so ito yung isyu na kinakaharap namin sa kasalukuyan,” ani Tanjusay sa interview ng RMN Manila.
“Willing na willing naman silang magpabakuna na subalit kulang pa rin ang suplay ng vaccines doon sa mga local government unit nila kaya mahihirapan silang mag-comply,” dagdag niya.
Dagdag pa niya, marami ang naghihintay na mabakunahan sa kani-kanilang Local Government Unit (LGU) dahil hindi lahat ng kompanya ay kayang bumili ng bakuna para sa mga manggagawa.
“May mga kompanya na hindi kayang bumili, nagre-rely sila sa mga Local Government Unit o sa utos ng IATF kung papano sila mababakunahan,” saad niya.
“Siguro, ganon ang gawin natin, meron silang special privilege, lalong-lalo na yung mga manggagawa sa NCR na i-prioritize sila sa vaccination program.”
Bukod dito, tinutulan din ng grupo ang panukalang ‘bakuna bubble’.
“Sinusuportahan ng mga negosyante na dapat ang makakasakay lang sa mga public transportation, yung mga makakapasok lang sa mga malls, groceries, supermarkets e yung mga bakunado lamang. Ang argument namin doon, e kulang nga ang bakuna. Buti sana kung umaapaw, sobra-sobra yung mga vaccines natin, pwede tayong magpatupad ng mga bakuna bubbles na ‘yan,” giit pa ni Tanjusay.