Mga manggagawang magtatrabaho ngayong araw; doble ang sahod na tatanggapin ayon sa DOLE

Manila, Philippines -Tatanggap ng double pay ang mga manggagawang papasok sa trabaho ngayong araw, sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice na idineklarang regular holiday ng Malakanyang.

Ito ay salig sa inisyung Labor advisory ng DOLE alinsunod sa Proclamation No. 297 na pinirmahan ni pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng rekumendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos.

Sa ilalim ng nasabing labor advisory, paiiralin ang sumusunod na panuntunan sa pagpapasahod ng mga manggagawa na magtatrabaho ngayong araw.


Kung ang empleyado ay hindi pumasok sa trabaho, babayaran pa rin siya ng 100 percent ng kanyang sahod para sa nasabing araw.

Kung ang manggagawa naman ay nagtrabaho babayaran siya ng doble ng halaga ng kanyang sahod para sa nabanggit na araw para sa unang walong oras na trabaho.

Kung nag overtime naman babayaran siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw.

Kung nagkataon naman na rest day ng manggagawa pero pumasok siya sa trabaho babayaran siya ng karagdagang 30 percent ng dobleng halaga ng kanyang sahod para sa nabanggit na araw o 200 percent ng kanyang daily rate.

Kung nag overtime naman ang manggagawa at natyempong rest day niya ang Sept.1 babayaran siya ng dagdag na 30 percent ng kanyang hourly rate para sa nasabing araw.

Facebook Comments