Kakaunti ang kita mula sa kakaunting nahuhuling isda ng mga mangingisda sa Zambales dahil hinaharang, ginagamitan ng water cannon at itinataboy sila ng China Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Ito ang inilahad ng mga lider ng mga samahan ng mangingisda sa Zambales na dumalo sa public consultation na isinagawa ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on the West Philippine Sea sa Municipal Hall ng Masinloc, Zambales.
Ayon kay Kapitan Jerry Munja ng Sta. Cruz, ang malayang pangingisda sa Bajo de Masinloc ay minana pa nila sa kanilang mga magulang o ninuno.
Kwento rin ng iba pa, dati ay napakarami nilang isdang nakukuha pero ngayon ay kakapiranggot na lang dahil nangingisda na lang sila sa mababaw na bahagi o malapit sa pampang.
Binanggit ng iba pa, sa mga pagkakataon na sila ay nakalulusot na makalapit sa lagoon sa Bajo de Masinloc at nakakukuha ng malalaki at magagandang uri ng isda ay kinukuha naman daw ito ng China Coast Guard at pinapalitan ng expired na noodles.
Ang isang lider ng mangingisda na si Noli delos Santos ay naiyak pa dahil hindi na raw niya halos mapag-aral ang kaniyang mga anak bunga ng kakarampot nilang nakukuhang isda.
Diin ni Delos Santo, hindi sapat ang ayuda na bigay ng gobyerno dahil tumatagal lang ito ng ilang araw kaya ang dapat ay maibalik ang malaya nilang pamamalakaya sa Bajo de Masinloc para kayanin nilang maitaguyod ang kanilang pamilya.