
Umaaray na ang mga mangingisda sa kawalan pa rin ng tulong o ayuda mula sa gobyerno at sa pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na resulta ng gulo sa Middle East.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jayson Cainglet na nasa P500 na ang lugi ng mga mangingisda sa kada araw at mabigat ito dahil wala pang ayudang nakukuha at wala ring diskwento na nakukuha sa fuel.
Bukod dito, pinag-uusapan pa lang ang pagbibigay ng ayuda na posibleng dalawang linggo pa ang abutin bago maipamahagi sa mga mangingisda.
Kung ganito aniya katagal bago maibigay ang ayuda ay posibleng wala nang mangisda dahil ina-absorb na ng mga maliliit na mangingisda ang araw-araw na lugi.
Maliban dito, kalaban pa sa hanapbuhay ng mga small fisherfolks ang mga commercial fishing vessels na nagpababa rin sa huli ng mga mangingisda.










